Pag-asang higit pa sa lahat ng pag-asa
Brother Matthew
Nakapakinig ako sa mga kabataan sa Taize at sa iba pang lugar. Marami sa kanila ay humaharap sa mga malulupit na realidad sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Tinatanong ko ang aking sarili, paano sila nakahahanap ng lakas upang magpatuloy. Ang tanong na ito ay lalong nagiging mariin kapag sila ay namumuhay sa mga lugar ng digmaan.
Sa mga tila ba imposibleng kalagayan, saan nagmumula ang kanilang katatagan at pagtitiyaga? Naging malinaw sa akin, habang nakinig ako, na ang pagtitiwala sa Diyos ay nagbibigay kakayahan sa mga tao ng pananampalataya na alagaan ang pag-asa. At sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, umuusbong ang katiyakan na hindi mapapasa-kamatayan ang huling salita.
Ang pagtitiwala sa Muling Pagkabuhay ay nagbibigay pag-asa na hindi ang kapaguran ng buhay ang huling punto. Tinatawag tayo sa mas higit pa. Ito ang pag-asang nais ibahagi ng mga kabataan sa akin, isang pag-asang lampas pa sa lahat ng pag-asa sapagkat umaasa itong lilitaw ang bagong buhay kung kailan tila ba ang lahat ay nalipol na.
Inawit ni Maria sa kanyang sigaw ng papuri at pag-asa: “Ipinakita Niya ang lakas ng Kanyang mga bisig, nilito Niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana Niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.” [Lc 1:51-53] Oo, mangahas tayong umawit kasama siya at manalangin para magbago ang mga kalagayan. Kahit tila ba tahimik ang Diyos, maaaring biglang magbukas ang isang daanan.
Kasabay nito, gawin natin ang kaya natin, kahit na tila ito’y hindi malaki, na magpahiwatig ng mga tanda ng pakikiisa sa mga taong nababalisa sa paligid natin, o kaya ay nasa gitna ng digmaan o pwersadong lumisan ng kanilang bansa. Hindi kaya ito ang magbibigay kakayahan sa atin na umasa nang higit pa sa lahat ng pag-asa?
Malaking bahagi ng mga susunod na pagninilay ay mula sa mga pagkikita at pakikipag-usap sa mga kabataang namumuhay sa mga bansang may digmaan o mga lugar ng tunggalian nitong nagdaang taon. Ako ay puno ng pasasalamat para sa mga nagbahagi ng kanilang karanasan at naiisip at pati na rin sa mga pinakabatang Brothers na ang maingat nilang payo ang nagsaayos ng lahat.
Ang tapang upang umasa
Kapag inaasam nating magtiwala sa pag-ibig ng Diyos, ang nakikita at nadarama natin sa paligid ay madalas na parang sumasalungat sa pag-ibig na iyon. Tayo ay naiipit sa pagitan ng ano ang mayroon na at ng ano ang parating pa. Ang pagitang ito ay hindi laging komportable. Subalit kung bumubukas ito tungo sa isang pag-asa ng katuparan, mayroong napalalaya sa loob natin.
Ang pag-asa ay nangangailangan ng tiyaga. “Umaasa tayo sa hindi natin nakikita” [Rom 8:25], sabi ni Apostol San Pablo. Nakatuon patungo sa kung ano ang darating sa kaganapan ng panahon ng Diyos, subalit nababagabag din sa “panunuligsa mula sa mga di-kaanib sa iglesya at takot naman na nasa aming puso” [2 Cor 7:5], mangangahas ba tayong manatili sa gayong lugar imbes na takasan ito?
“Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham” [Rom 4:18]. Si Abraham, ang ninuno ng maraming mananampalataya, ay kumapit sa pangako ng Diyos nang lampas pa sa anumang makatwirang pag-asa. Siya at ang asawa niyang si Sarah ay tumanggap ng tila ba ay imposible para sa kanila.
Sa panahon kung kailan ang kanyang bansa ay winawasak ng digmaan at ang mga naninirahan ay pinagbantaan ng pagpapatapon, at bagamat siya mismo ay nasa kulungan, si Propeta Jeremias ay gumawa ng isang pamumuhunan sa hinaharap: bumili siya ng isang bukirin. Ganoon siya kasigurado na hindi pababayaan ng Diyos ang Kanyang bayan [Jer 32:6-15].
Ang gayong nakamamanghang pagkilos ng pag-asa ay ginagawang mas lalong tunay ang pananampalataya. Ito ay isang matibay na pagtitiwala sa kung anong di pa nakikita at maging di tiyak. Makakaya ba nating kumapit sa pag-asang ganoon? Sa kahuli-hulihan ay binubuksan nitong muli ang bukal ng kaligayahan. Maging sa mga pinakakumplikadong sitwasyon ng tao, kung ano ang hindi natin pinangahasang asahan ay maaaring maging realidad.
Ngayon, bumubukal ang mga kamangha-manghang inisiyatibo ng pag-asa sa maraming mga bansa kung saan nagdadala ng pagwasak ang digmaan.
Ang pakikinig sa mga tao ng pag-asa
Upang matulungan tayong maunawaan nang mas mabuti kung ano ang kahulugan ng pag-asa, kailangan nating makinig sa mga taong naninirahan sa gitna ng kabalisaan at karahasan. Hindi kaya na sa pamamagitan ng kanilang mga tinig ay aakayin tayo ng Diyos?
Sa pagdalaw ko sa Ukraine kasama ang dalawa sa aking mga Brothers, isang pinuno ng simbahan ang nagsabi sa amin: “Nagbubukas ang pagdarasal ng isang puwang na nagpapahintulot sa paghilom”. Sobra akong tinamaan sa sinabi niya. Patuloy niyang hinaharap ang kirot ng kanyang bayan, at nakikita niyang doon sa buhay panloob maaaring manatiling bukas ang mga mananampalataya upang tanggapin kung ano ang bago.
Ito ay isang proseso na hindi kinakailangang magbunga ng agarang mga resulta, subalit, at marahil ay kasabay ng iba pang paraan, ay nagbubukas ng isang pinto tungo sa pagtatagumpay sa mga sâkit at hapis, at gumigising sa pag-asa ng isang naghilom na sangkatauhan. Nagbibigay lakas ang panalangin upang tumindig sa harap ng mga masalimuot na kalagayan. Hinahati nito ang mga alon ng kahinaang-loob kapag tila ba nilalamon ng kadiliman ang lahat.
Isang Palestinang babae na naninirahan sa Pransiya, ngunit ang pamilya ay nasa Gaza, ang sumulat sa amin: “Ang pag-ibig na nagdadala sa mga sugatan, sa mga mahina, ay nagbibigay ng bagong lakas. Naaalala ko rito ang lalaking paralisado sa Ebanghelyo, na dinala ng kanyang mga kaibigan at ng kanilang pananalig. Isa ring paraan ng paglaban ang panalangin, at iyan ay mahalaga sa akin. Subalit tao ako: pagkatapos kong mabalitaan ang pagkamatay ng dalawang miyembro ng aking pamilya, nilamon ako ng galit, sumigaw ako, umiyak ako… Nang ako ay mahimasmasan, nabatid kong naroon ang Diyos sa pagdurusa at kawalan ng pag-asa, at karga-karga Niya tayo.
Nitong tag-init, habang dumadalaw sa Taizé, sinabi niya: “Kada umaga, nagdarasal ako upang makahanap ng lakas para magmahal imbes na mamuhi.” Ang mga salita niya ay parang isang tanglaw sa daraanan.
Isang kabataang babae mula sa isang bansa sa Asya na winawasak ng digmaan ang nagsabi sa akin: “Nalulula ang aking bayan subalit nakahahanap ng kaaliwan sa Mabuting Balita. Gaano kadalas noon na ang Bayan ng Diyos ay takbo ng takbo? Gayunpaman, isang sambayanan ang nalikha gaano man kahirap ang kalagayan. Mayroon mang mas malaking plano ang Diyos para sa amin, ngunit kailangan naming harapin ang bawat araw nang paisa-isa. Isang regalo ang kakayahang mabuhay sa kasalukuyang araw, at ito rin ay isang tanda na ang buhay ay nariyan upang isabuhay nang ganap. Sa panalangin, mayroong isang bukal ng kapayapaan na nagbibigay sa atin ng kakayahang palakasin ang bawat isa, makatagpo ng kabuluhan sa pagbabahaginan at pakikiisa.
Mula sa Lebanon, narinig ko ang mga salitang ito: “Ang aking ina ay isang patotoo sa pag-asa. Sa kabila ng lahat, nanatili siyang palaging nakatindig. Dahil sa kanya kaya ako ganito ngayon. Tinuruan niya kami kung paano magkaroon ng pananalig sa Diyos at manalangin. Ang bawat taong namumuhay sa pagtitiwala ay nagsasalamin sa pagtitiwala sapagkat umiinom sila mula sa pinagmumulan at maaaring maging mga saksi.”
Sino-sino ang mga saksi ng pag-asa na maaaring makilala ng bawat isa at mapakinggan sa kanya-kanya nating mga sitwasyon? Buksan natin ang ating mga pandinig sa kung ano ang masasabi nila.
Ang pagsisikap para sa pag-asa
Paano tayo tumutugon kapag ang ating mga plano ay nabigo at ang ating mga inaasahan ay bumagsak? May ibinibigay na susi si Jesus kung paano tayo makapananatiling mga tao ng pag-asa.
Naharap sa isang malaking tipunan ng mga taong nagugutom, nagkaroon siya ng malasakit sa kanila, literal na “lumabas ang puso Niya” sa kanila. At nakatagpo Siya ng paraan upang punan ang kanilang mga pangangailangan.
Yaong pagtangging bitawan ang sarili sa mga sitwasyon ng pagkabalisa ay nagtutulot upang mabigyang hugis sa loob natin ang pag-asa. Ito ang kabaligtaran ng paghihintay nang walang kibo, may kaakibat itong pakikibaka, walang ibang paraan. Maging ang ating pag-aasam para sa pag-asa ay makapagdadala sa atin patawid ng pinto sa pagitan ng kung ano ang posible sa tao tungo sa kung ano ang posible para sa Diyos.
Ang pag-asang bigay kasama si Kristo ay nagdudulot sa atin ng patikim ng kung ano ang mangyayari sa kaganapan sa kinabukasan ng Diyos. Para itong angkla ng isang barko. Mahigpit tayong hawak nito habang rumaragasa ang bagyo. Pinahihintulutan tayo nitong magsabuhay ng mga maliliit na tanda ng ating katapatan sa pagtawag na ating tinanggap at sa mga taong inihabilin sa atin. Para rin itong helmet, ipinagsasanggalang tayo mula sa kagipitang maaaring bumuhos sa atin.
Nagsasabi ang Rule of Taizé na huwag bitawan ang ating mga sarili “sa iskandalo ng pagkakahiwalay ng mga Kristiyano na napakahandang magpahayag ng pagmamahal para sa kanilang kapwa ngunit nananatiling hati-hati”. Para kay Brother Roger, ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay hindi layunin sa ganang sarili nito, kundi isang paraan upang manguna tungo sa kapayapaan sa gitna ng pamilya ng sangkatauhan.
Ang mga abang palumpon ng boxwood sa palibot ng Taizé, bagamat sinira nang dalawang beses ng mga insekto nitong mga nagdaang taon, ay biglaang umuusbong muli. Mula sa akala ay patay na, may mga sariwang sanga na tumutubo habang ang kulay abo ay nagiging kulay luntian. Lumalaban ang kalikasan upang manatiling buhay, na sumasalamin at humihimok sa sarili nating laban ng pag-asa. Ang pag-asa para sa sangnilikha, at ang pag-asang bigay ng mabuting nilikha ng Diyos, ay sabay sa pag-asa para sa sangkatauhan.
Ang manatiling mga tao ng pag-asa
Napakadaling matakpan ang pag-asa sa tuwing tayo ay maharap sa mga kalagayan kung saan hindi posible ang pagkakaunawaan. Ang paglikha ng kapaligiran ng pagdududa ay nagdudulot ng panganib na siluin ang iba sa isang pamukot ng paghihinala.
Maaari itong mangyari sa ating mga pamayanan, mga simbahan at mga mag-anak, pati na rin sa mga lipunan at sa ating mga bansa. Tago man o lantaran ang gayong mga pagkilos, lagi nilang inuubos ang ating lakas. Ngunit mayroong mga panahon kung kailan, sa harap ng kawalan ng katarungan, kailangan nating iwaksi ang kasamaan nang sa gayon ang mga tao ay hindi na magiging biktima ng ibang tao.
Upang manatili sa pag-asa, kailangan natin ang isa’t isa. Yumayabong ang pag-asa tuwing tayo ay nagbibigay pansin sa mga pangangailangan ng iba. Makakakita tayo ng mga tao na sa gitna ng mga napakalaking kagipitan ay gumagawa ng pagpapasiya na mabuhay, ngumiti at ialay ang maliliit na bagay na posible sa bawat araw.
Ang pag-asa ay nakadugtong sa katotohanan at katarungan. Ito kaya ay dahil sila ay mga katangian ng Diyos? Hindi ba natin sila nakikita sa buhay, kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus? Ang pagpapayaman ng pag-asa ay nangangailangan ng pagharap sa realidad bilang gayon, at pagtingin dito sa liwanag ng mga pangako ng Diyos.
Isang kabataang namumuhay sa isang lugar na may labanan ang nagsabi sa akin: “Ako ay nasa isang kapihan, nagbabasa ng aking libro, nang nag-umpisang lumipad ang mga rockets sa palibot namin. Tumakbo palabas ang mga tao, puno ng emosyon, ngunit nagpasiya akong manatili at tapusin ang aking pagbabasa.” Ang paghahanap ng mapagkakanlungan ay pwede ring isang makatwirang opsyon, subalit ang pagbabahagi ng kwentong ito ay isang pagtutol ng pag-asa laban sa hindi maiiwasang digmaan.
Isa sa mga Brothers ang nagsabi sa akin: “Mapagpukaw ang pag-asa, at higit pa riyan, ito ay nakahahawa. Ang kabaligtaran ng pag-asa ay pagwawalang-bahala o pagbibitiw. Sa pagdalaw ko sa aking bansa kamakailan, na pinipinsala ng digmaan, nakakita ako ng mga mukhang malungkot, nag-aalala at naliligalig. Kaya tinanong ko ang aking sarili: ‘Ano ang maaari kong gawin?’ At isang kaisipan ang dumating sa akin: sa tuwing nagmamaneho ako at na akin ang karapatang mauna, titigil ako at bibigyang prayoridad ang taong nasa harap ko. Limang segundo ang kukunin nito sa akin. Subalit nakikita ko ang maliit na gawaing ito na nagpapatugon sa mga mukha ng mga tao, nagpapaalwan kahit kaunti sa kirot ng aking kapatid.
Ang lahat ng nasa loob atin ay tumututol sa digmaan at kamatayan…
Ang lahat ng nasa loob atin ay naghahangad sa buhay at kagandahan.”
Ang pag-asa ng Muling Pagkabuhay
Nasaan ako sa sandaling ito? Nasa paanan ng Krus sa Biyernes Santo? Nasa kaligayahang ng Linggo ng Muling Pagkabuhay? O naghihintay nang hindi alam kung saan tutungo sa Sabado Santo?
Saan man ako nakatayo, nakakasulyap ba ako ng isang daraanan ng pag-asa? Bumubukas ito sa harapan ko tuwing tumitingin ako kay Jesus na nagbigay ng Kanyang buhay sa pagmamahal para sa lahat, na nagpakita sa atin ng isang pag-ibig na mas malakas kaysa lahat ng kapangyarihan ng karahasan, pagkamuhi at kamatayan.
Ang pag-asa ay hindi nakasalalay sa pagsusuri sa sitwasyon kundi sa kadalasan ay umaandap na ningas ng pagtitiwala. Bagamat mahina, ang ningas na ito ay nagliliyab sa kalaliman ng gabi, tulad ng nangyari sa mga kabigan ni Jesus. Marami sa kanila ang pinabayaan Siya sa oras ng Kanyang pinakamahirap na pagsubok. Ang pag-ibig Niya ang nagbigay daan sa kanila upang manumbalik.
Kung atin lamang kikilalanin ang Muling Nabuhay na si Jesus! Subalit ang presensiya Niya ay hindi nakabatay sa ating pagkilala. Minsan ang ating kawalang pag-asa ay bumubulag sa atin tulad ng pagbulag nito kay Maria Magdalena. Tinanong si Maria ni Jesus na Muling Nabuhay: “Bakit ka umiiyak?” at “Sino ang hinahanap mo?” [Jn 20:15]. Inaalingawngaw ng pangalawang tanong na ito ang mismong unang mga salita Niya sa Ebanghelyo ni San Juan: “Ano ang hinahanap ninyo?” [Jn 1:38]. Pagkatapos niyang pasukin ang ating pinakamalalim na hapis at kamatayan bilang tao, ang paghahanap para sa kahulugan ay lalabas na pagnanais para sa isang presensiya.
Nabuhay mula sa mga patay, buhay sa Diyos, si Jesus ay dinadala tayo patungo sa Kanya. Tinatagpo Niya tayo sa kaibuturan ng ating pagkatao, ito man ay puno ng kalungkutan o kaligayahan. Ibinubukas sa atin ng Muling Nabuhay na si Jesus ang Kanyang ugnayan sa Ama at sa pakikipag-isa sa bawat tao sa Espiritu Santo. Hindi na tayo mga bilanggo ng sarili nating kawalang ng pag-asa — posible ang isang bagong buhay. Sulat ni San Pablo: “At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos” [Rom 5:5]. Mabuhay tayo mula sa pag-ibig na ito. Nawa’y lagi tayong akayin ng Espiritu Santo!
Mga peregrino ng pag-asa, mga peregrino ng kapayapaan
Binigyang kakayahan ng pananampalataya sa Muling Pagkabuhay ang maraming tao upang kumapit sa pag-asa sa gitna ng pagkabalisa. Ito ay isang bukal na umaakay sa atin lampas sa mga hindi natin mapangyayari, nang sa gayon ay mahayaan ang ating puso na lumabas patungo sa iba at kumilos.
Ang manampalataya sa Muling Pagkabuhay ni Jesus ay nangangailangan ng napakaraming tapang at pangangahas. Nangangahulugan ito ng pagsisikap na hindi maparalisa ng presensiya ng kamatayan at pagkawasak na nakapalibot sa atin ngayon.
Mula sa mga kalagayang tila ba walang pag-asa, kaya ng Diyos na lumikha ng bago. Kaya ng Diyos na magdulot ng buhay mula sa kamatayan at maging pagkakasundo mula sa hidwaan.
Ang mga babae, mga kaibigan ni Jesus, na lumabas nang napakaaga noong umaga ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ay nagtatanungan, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” [Mc 16:3]. Ano ang mga bato sa mga sarili nating buhay ang kailangan nating hilingin mula sa Diyos na pagulungin upang ang bagong buhay ay maisilang sa kalooban natin?
Ang bagong buhay na iyon ay tumutulong sa ating tumindig, inaakay tayo nito na maglakbay kasama ang iba. Tayo ay nagiging mga paregrino ng pag-asang dala-dala natin sa ating kalooban. Hindi ba’t ito rin ay isang pag-asa para sa kapayapaan? Sapagkat “si Kristo ang ating kapayapaan” [cf. Efe 2:14]. Maririnig ba natin Siyang magsasabi sa atin: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot” [Jn 14:27-28].
Bilang mga peregrino ng kapayapaan, nauunawaan natin na walang tunay na kapayapaan nang walang katarungan. Ang kapayapaang dala natin sa loob natin, na nagmumula sa pag-asang bumubuhay sa atin, ay nagbibigay kakayahan sa atin na maging malaya sa kalooban natin. Hinahayaan tayo nitong mahalin ang buhay at labanan ang kawalan ng katarungan, habang tayo ay nagpapatuloy bunsod ng Espiritu Santo.
Isang araw, maaaring matagpuan natin ang ating mga sarili na dinarasal ang awit ni Zacarias. Siya ay isang matandang lalaki sa isang lupaing sinakop. Nagsaya siya sa isang kapanganakang hindi inaasahan at nagdiwang: “Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan” [Lc 1:78-79].
Handa ba tayong umasa nang higit pa sa lahat ng pag-asa?
Kristong Muling Nabuhay, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ibinuhos mo ang pag-ibig ng Diyos sa aming mga puso at binibigyan mo kami ng kakayahan na umasa nang higit pa sa lahat ng pag-asa. At mula sa kaibuturan namin, unti-unti, isang nakamamanghang kapayapaan ang lumilitaw. Purihin Ka nawa!
Publié le Set 4, 2025