Liham 2026

Ano ang hinahanap mo?

Brother Matthew
Taizé

Napakaraming mga tao ang naghahanap ng kabuluhan sa kanilang mga buhay. Naghahanap sila ng mas dakila kaysa sa mga madaling pangako na pumupuno sa ating mga screen nang sobrang dalas. Hindi ba’t ang mga tao ay nilikha para sa isang totoong layunin? Ano ang magpapagana sa atin upang matuklasan ito?

Kapag sinubukan nating mabuhay mula sa pagtitiwalang bunga ng pananampalataya, minsan ay tinatanong natin ang ating mga sarili: Ano ang nais ng Diyos sa akin? Marami tayong mga kagustuhan. Alin ang landas na aking mababagtas kasama ang Diyos?

Sa nagdaang taon, nakatanggap kami sa Taizé ng mga pagbisita mula sa mga kabataang galing Ukraine, Palestina, Lebanon, Nicaragua, Myanmar at iba pang mga lugar kung saan laganap ang digmaan at tunggalian. Ang kanilang pananampalataya at pagnanasa para sa kapayapaang makatarungan at magtatagal ay naging isang inspirasyon sa amin. Narinig din namin ang mga patotoo ng mga taong nagtatrabaho sa Gaza o kaya’y sa piling ng mga mag-anak na naninirahan doon. Nakikita namin ang kirot ng mga mayroong mahal sa buhay na ginawang bihag. Naririnig namin ang mga daing ng mga naghahanap ng katarungan sa ilalim ng mga rehimeng mapang-api.

Gumugol din ako ng panahon kasama ang mga Brother ng aming Taizé Community na naninirahan sa mga mumunting kapatiran sa Brazil at sa Cuba. Apektado pa rin ang Brazil ng minanang pang-aalipin at ng malawak na di pagkakapantay-pantay. Gayunpaman may mga taong ayaw sumuko na lang; nakikibaka sila upang panigan ang mga pinakamahihirap. Naiisip ko partikular ang isang pamayanan sa Lungsod ng Salvador, kung saan ang mga walang matirahan ay natutulog sa simbahan at tinutulungan ang isa’t isa.

Sa Cuba, nakita ko ang isang matapang na sambayanang humaharap sa mga napakalaking paghihirap. Nakatagpo ko ang isang lola na ibinigay ang lahat niyang ipon upang magkaroon ang apo niya ng lahat ng kailangan para sa pag-uumpisa ng taong pampaaralan. Ang nanay nito, tulad ng maraming iba pang Cubano, ay umalis ng bansa bilang isang migranteng naghahanap ng mas magandang kinabukasan.

Sa maraming lugar, nag-iisip ang mga tao: Paano ko magagamit ang kalayaang ibinigay sa akin upang magpahayag ng pakikiisa sa mga nagdurusa? Naghahanap sila ng mga paraan kung saan ang kagustuhan nilang magmahal at magmalasakit ay maging tunay, na ang kanilang mga buhay ay maging makabuluhan sa pagtulong at paglilingkod.

Puno ang ating daigdig ng kagandahan, subalit puno rin ito ng kawalan ng katarungan. Ano ang lugar ko sa lahat ng ito? Ano ang hinihiling sa akin na gawin ko? Ito ang tanong na madalas kong nadarama sa aking puso, habang nahaharap sa pagiging kumplikado ng buhay at ng mga pagpipiliang humaharap sa akin.

Sa Ebanghelyo ni Juan, ang mga unang salita ni Jesus ay “Ano ang inyong hinahanap?” Ibinahagi ko ang tanong na ito sa isang pangkat ng anim na mga kabataang volunteers sa Taizé mula sa anim na iba’t ibang bansa sa apat na kontinente. Ang mga sumusunod ay pinukaw ng mga sinabi nila sa akin.

Sa kanila at sa lahat ng mga volunteers na tumutulong patakbuhin ang mga pagtitipon sa Taizé, naglalaan ng oras sa aming komunidad upang manalangin at upang mas maunawaan ang tungkol sa panawagan ni Kristo sa kanilang mga buhay, nais kong magsabi ng salamat.

Brother Matthew

 

Naghahanap ng katahimikan

Pagkatapos ng isang linggo sa Taizé, tuwing tinatanong kung ano ang naging pinakamahalaga para sa kanila, maraming mga kabataan ang nagsasalita tungkol sa karanasan ng katahimikan. Tila nakakagulat ito, sa isang mundong labis na konektado at palaging galaw nang galaw.

Sa tuwing tayo ay naglalaan ng oras at humihiwalay mula sa input na hindi natatapos, minsan sa katahimikan natin tunay na nahaharap ang ating mga sarili at nakatatanaw din ng isang mas malaking realidad.

Sa napakagandang nilikha ng Diyos, ang tunog ng hangin, ng lumalagaslas na batis at ng huni ng ibon ay yumayakap at umaakay sa atin tungo sa panloob na katahimikan kung saan ang pakikipag-isa sa tanang nabubuhay ay nasasalat. Maaari tayong punuin ng pagkamangha ng isang gabing punong-puno ng mga bituin*.

Sa katahimikan pumasok si Jesus sa mundo*: “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin.”* Siya na kasama ang Diyos at Siyang Diyos bago pa ang simula ng lahat ay pumarito upang makapiling tayo sa pamamagitan ng isang mapagkumbaba at abang pagsilang sa katahimikan ng gabi*: ang liwanag na nagniningning sa kadiliman.

At kaya naman hindi hungkag ang katahimikang ito. Ito ay nagiging lugar ng tagpuan. Sa katahimikan, hindi tayo nag-iisa. Subalit nakikipaglaban tayo rito sapagkat ang ating isipan ay puno ng napakaraming mga bagay. Tulad ng nakasaad sa “Rule of Taizé”, “Kung lumilipad ang iyong isip, bumalik ka agad sa panalangin sa sandaling mapansin mo ang iyong pagkalito, nang hindi nagdaramdam dahil doon.”*

Maraming siglo ang nakalipas, mayroong nagdasal, “Sinabi mo, ‘Hanapin ninyo ang Aking mukha;’ sabi ng aking puso sa Iyo, ‘Ang Iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.’”* Sa katahimikan ng ating puso, lilingon ba tayo nang paulit-ulit upang hanapin ang Diyos?

Madalas, ang pananalangin ay una sa lahat isang pagnanais*, isang tahimik na paghahangad para sa kapayapaang nasa presensiya ng Diyos. Tuwing hindi natin alam paano magdasal, naroon ang Espiritu Santo, nananalangin sa atin sa mga buntong hiningang masyadong malalim para mabigkas*. Habang nakikinig tayo sa pinakamalalim na bahaging ito ng ating puso, matutuklasan natin na roon naninirahan ang Espiritu Santo. Humaharap ako sa aking sarili at sa Diyos, na humihinga sa loob ko.

Buhay na Diyos, turuan Mo akong hanapin Ka sa katahimikan ng aking puso, sa kagandahan ng sangnilikha, sa pakikinig sa Iyong Salita, sa pagsalubong sa Iyong abang presensiya.

Kaya ba nating italaga ang ating mga sarili na maglaan ng oras bawat araw upang manahimik at pumasok sa presensiya ng Diyos? Marahil pwede tayong mag-umpisa ng limang minuto. Magsimula sa pagbabasa ng isang maikling sipi sa Biblia, o kaya ay magpasalamat para sa mga natanggap sa nagdaang araw, o kaya ay maglaan ng oras upang pagtuunan ang sarili.

 

Naghahanap ng direksyon

Ginagawang posible ng katahimikan ang tunay na pag-aninaw. Tuwing naghahanap tayo kung anong direksiyon ang tatahakin, hinahayaan tayo ng katahimikan na makinig sa kung ano ang nasa kaibuturan natin. Kailangan din natin ang isang panloob na kalayaan upang makagawa tayo ng responsableng pagpili. Kalakip ng kalayaang ito ang pagtanggap ng ating mga hangganan, ngunit nang walang takot: hindi kailanman mabuting tagapayo ang takot, at hindi kailanman pinipilit ng Diyos ang ating mga puso.

Ang lahat ay naghahanap ng parehong pakiramdam ng pagiging kabilang at ng anumang anyo ng kasiguruhan. At habang naghahanap tayo ng tunay na paraan paano mabuhay, minsan ibang tao ang makakatulong sa ating makita kung sino talaga tayo. Sa pamamagitan ng iba, maaari tayong magulat na makatuklas ng isang bagay na pwedeng hindi natin nakita nang mag-isa.

Sa Ebanghelyo ni Juan, may dalawang kabataan ang nananahan sa Lambak ng Jordan kasama ang kanilang guro, si Juan Bautista, na kanilang pinagkakatiwalaan. Hindi niya nais na manatili sila sa kanya. Tinuro niya sila sa iba; tinuro niya sila kay Jesus. At sila ay lumisan upang magtungo sa Kanya.

Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi Niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa Kanya, “Guro, saan Ka nakatira?” Sinabi Niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.”*

Binubuod ng dalawang tanong na iyon ang proseso ng paghahanap at pagtuklas ng direksyon para sa buhay na kasama si Kristo. Nag-uumpisa tayo sa mga sarili nating naisin, kalakip ang mga pagpapahayag ng ating paghahangad para sa mas dakilang buhay — “Ano ang hanap ninyo?” — nagpapatuloy tayo na harapin ang mga ito kasama ang Persona ni Jesus — “Guro, saan po kayo nakatira?”

Si Jesus na nag-aanyaya sa atin na “Lumapit at tumingin” ay maamo at mababang loob, at minamahal Niya tayo nang walang kondisyon, nang matibay at di nagmamaliw. Mangangahas ba ako na tumugon sa Kanyang paanyaya sa kabila ng aking mga pag-aalinlangan at maging aking mga pagdududa?

Kristo Jesus, ipakita Mo sa akin ang daan at gawin Mo akong handang sundan ito.*

Sino ang mga taong nagtuturo sa akin patungo kay Kristo? Maglaan ng sandali upang magpasalamat para sa kanila.

 

Naghahanap ng tuwa

Isa sa mga volunteer sa Taizé ang nagsabi sa akin, “Sa aking bansa, nagsisikap ang mga kabataan na mabuhay sa isang mundong nag-aalok ng lahat; subalit sa kaibuturan, ang namamayani ay takot, pagkabalisa at pagkalumbay.”

Nahaharap tayo sa mga pangako ng ligaya sa paligid natin. Subalit napakarami ng mga ito ay bigo sa pag-aakay sa atin sa kaligayahang tumatagal, at nagbibigay lamang ng sandaling kasiyahan.

Bumubula ang tuwa mula sa kaibuturan tuwing nauunawaan natin na tayo ay minamahal dahil sa kung sino tayo. Kapag naiintindihan natin na ang tuwa ay isang regalo at hindi isang bagay na pwede nating angkinin, makikita nating handa tayong tanggapin ito. Sa gayon hindi na tayo susubok na gawin ito nang pwersahan, at tayo ay magaang na dadalhin pasulong.

Naanyayahan si Jesus kasama ang Kanyang mga kaibigan sa isang kasalan*, at pagkaraan ng ilang sandali ay naubos na ang alak. Sa sandaling iyon, mayroong kulang: nasa piling ng mga dukha si Jesus. Tinagpo Niya sila sa kanilang karukhaan, ibinibigay Niya sa kanila kung ano ang lampas pa sa kanilang inaasahan. Ang nais Niya para sa kanila ay tuwa, at ginagawa Niya ang lahat upang mapangyari ito.*

Naaalala ko na naroon ako sa Kolkata sa “mother house” ng mga Missionaries of Charity maraming taon na ang nakalipas. Sa dingding ay mayroong kasabihan ni Mother Teresa na nagpaalala sa akin na tinatanggap tayo ng Diyos sa ating kahinaan at hindi Niya tayo hinihiling na maging perpekto. Hindi natin kailangan maging laging malakas.

Pwede tayong gawing balisa ng ating panloob na karalitaan na tayo ay hindi sapat. Madalas, tayo ay inaakay nito na ikubli kung sino talaga tayo. Ngunit kung hahayaan natin ang ating mga sarili na tumayo nang may bukas na mga kamay sa harap ni Kristo, darating Siya upang punuin ang mga ito, binabago ang karalitaang iyon nang unti-unti.

Kahit na may mga panahon na nakadarama tayo ng hapis, at ang tuwa ay tila napakalayo, posibleng alalahanin kung paanong nagsalita si Jesus tungkol sa kaligayahan na hindi maaagaw ninuman.*

Mahabaging Diyos, nais naming papasukin ang ligayang mula sa Inyo anuman ang aming kalagayan. Tuwing nauunawaan namin na mahal Mo kami at binubuksan Mo para sa amin ang landas tungo sa buhay na hindi magwawakas, bumubukal ang tuwa mula sa aming kaibuturan.

Pagnilayan kung ano ang maaari nating gawin upang maghatid ng ligaya sa ibang tao. Makipagtagpo sa isang tao nang personal imbes na virtually lamang. Minsan, sa isang mapagkumbabang paglilingkod na ibinigay nang malaya sa iba, nakatatanggap ako pabalik nang ibayo sa aking inaasahan, lalo na tuwing nakikita ko ang tuwa sa mukha ng mga pinaglilingkuran ko.

 

Naghahanap ng kabuluhan

Sa bawat isa sa atin ay mayroong pagkauhaw para sa kabuluhan. Saan natin maaaring pawiin ang uhaw na ito? Sa ating mga abalang buhay, sa isang dako sa ating kalooban ay may isang tahimik na tinig na bumubulong sa atin na tayo ay minamahal.

Isang pinunong nagngangalang Nicodemo, na naghahanap ng tunay na kabuluhan ng kanyang buhay, ang nakarinig tungkol kay Jesus*. Gabi nang nagpunta siya upang makipagtagpo sa Kanya at upang humanap ng paraan na bigyang salita ang mga iniisip niya.

Ang mga pinakamalalim nating tanong tungkol sa pananampalataya, buhay at kamatayan, kabuluhan at layunin, ay madalas nananatiling di nasasabi. Subalit hangga’t hindi sila naipapahayag, sa ating kalooban ay mayroong hindi nasisiyahan, katulad sa kaso ni Nicodemo.

Habang tayo ay naghahanap, susunod ba tayo sa ating mga tanong hanggang dalhin tayo ng mga ito sa bukal ng buhay? Hindi man natin matagpuan ang lahat ng mga sagot sa ating mga tanong; subalit tuwing nangangahas tayong sumunod kay Kristo, makararating tayo sa punto kung saan kinakailangan nating ipagkatiwala ang ating mga sarili sa Diyos nang may malinaw na pagtitiwala*. At sa gayon ay natutuklasan natin ang yumayakap na pag-ibig at kabutihan ng Diyos.

Ang kabuluhan ng buhay ni Jesus ay hindi ang husgahan ang sangkatauhan kundi ang bigyang kakayahan ang bawat tao na maunawaan na sila ay minamahal ng Diyos. Dumarating Siya upang ipakita sa atin ang landas ng isang higit na dakilang pag-ibig. Iyan ang Kanyang lihim.

Bai-baitang nang lumapit si Nicodemo sa liwanag. Isa o dalawang taon pagkatapos tagpuin si Jesus nang gabi, lantaran niya Siyang ipinagtanggol sa mga makapangyarihan sa Jerusalem*. Ilang buwan kapagdaka, nang si Jesus ay nakabayubay sa krus, nagpamalas siya ng dakilang katapangan*. Nangahas siyang magpabilang sa pangkat ng mga kaibigan ni Jesus. Inakay siya ng tapang niya papasok sa komunidad.

Mamuno, liwanag, sa gitna ng pumapalibot na dilim, ako’y pamunuan mo… Hindi ko hiling na makita ang malayong tanawin; isang hakbang ay sapat na para sa akin.*

Subukang mag-organisa ng isang pagtitipon kung saan ang bawat kalahok ay magsasalita tungkol sa kung paano siya nakatatagpo ng kabuluhan sa kanyang buhay. Para sa ilan ito marahil ay mula sa kanilang pananampalataya, para sa iba ito marahil ay sa pamamagitan ng isang uri ng pagkilos, gayunman ang iba marahil ay may mas maraming tanong kaysa sagot. Ang gayong bahaginan at masinsinang pakikinig ay pwedeng maging daan upang palakasin ang loob ng isa’t isa. Kung mukhang nababagay, ang pagtitipong ito ay maaaring mag-umpisa sa isang awit na tinatawag ang Espiritu Santo at magwakas sa isang awit ng pasasalamat.

 

Naghahanap ng isang mundong makatarungan

Ang kawalan ng katarungan — ito man ay pagkasira ng kalikasan*, kawalan ng pagkakapantay-pantay, karahasan, paniniil o digmaan — ay pumupukaw ng isang buong hanay ng mga damdamin: galit, poot, lungkot, minsan kawalan ng pag-asa. Subalit habang tama ang pasiya natin na labanan ito, hindi kaya may panganib na maging mahigpit tayong nakakulong sa ating mga sariling kuro-kuro na hindi na tayo makakita nang lampas sa mga ito?* Mayroon ding panganib na maging mga bilanggo ng sarili nating algorithm at masilo sa pagkakahati-hating nagbabanta sa ating mga lipunan.

Humakbang tayo palabas ng ating mga sariling kahon at hayaang ang mga pananaw na iba sa mayroon tayo ay hamunin tayo, kahit na imposible ang sumang-ayon.

Minsan kailangan nating maging handang hawakan nang sama-sama ang mga masalimuot na realidad, kung saan walang solusyon ang tila posible*. Maaaring nakakalula ang pakikinig sa mga kwento ng iba’t ibang panig, ngunit labag sa katuwiran ang hindi sila pakinggan.

Pagkatapos ng panalangin sa takipsilim sa simbahan sa Taizé, isang kabataang babae ang nagsabi sa akin: “Kailangan kong kilalanin ang karahasang umiiral sa loob ko, pero hawakan din ito kasabay ng aking pangangailangan para sa pagninilay.” Tingin ko ay napaka-mapagpalaya nito. Sa halip na pigilan ang damdaming iyon, o magkunwaring hindi ito umiiral, nilagay niya iyon kahanay ng kanyang pagkauhaw para sa Diyos.

Mayroong panganib na ang mga pwersang mapaminsala na naroon sa bawat isa sa atin ay hawakan tayo nang mahigpit. Napakadaling ituring na demonyo ang ibang tao, maging mga buong bansa. Pagkatapos ay maaari tayong mahigop sa paulit-ulit na karahasan at sa pagpapatuloy nito. Binubuksan tayo ng pagninilay — panalangin — sa ibang dimensyon, inaakay tayong makipagkasundo sa kung ano ang dala-dala natin sa ating kalooban at maghanap ng mga paraan upang magtayo ng mga tulay.

Ang Espiritu Santo ay nariyan para pamunuan tayo sa landas kung saan makagagawa tayo ng mga matapang na desisyon. Si Brother Roger, na nagsimula ng aming sama-samang pamumuhay sa Taizé, ay nagsalita tungkol sa malikhaing karahasan ng mga tagapamayapa* na siyang nagbibigay kakayahan sa kanila na huwag bumigay sa tuksong iwan ang landas ng Mabuting Balita.

Kinakatawan ni Jesus ang mundo ng katarungan at mga tamang ugnayan, na tinatawag ng mga Ebanghelyo na “Paghahari ng Diyos.” Ngunit nagalit siya at tinaob ang mga mesa ng mga tindero at nagpapalit-pera sa Templo upang bigyang puwang ang Diyos*. Mariing nagsalita si Jesus laban sa pagkukunwaring pangrelihiyon, subalit nagawa rin Niyang tanggapin ang isang lider pangrelihiyon tulad ni Nicodemo. Pamilyar Siya sa sa mga Pariseo at tinanggap ang kanilang pagpapatuloy sa Kanya*, ngunit nakisalo rin Siya kasama ang mga taong isinantabi ng lipunan. Mayroon Siyang di nagmamaliw na pag-ibig para sa mga nawawalang tupa ng Kanyang bayang Israel*, ngunit humanga Siya sa pananampalataya ng isang opisyal Romano at pinagaling ang kanyang anak*; at hinayaan Niyang hamunin Siya ng pananalig ng isang babaeng pagano na nakatagpo Niya sa isang paglalakbay sa ibayong lupain*.

Sa pakikipagsapalaran Niya na bumuo ng mga ugnayan sa mga taong iba sa Kanya*, pinagyaman ni Jesus ang pagtitiwala at binigyang laman ang kapangyarihan ng Diyos na makapagkasundo.

Kung batid natin na ang liwanag ay nagniningning sa dilim at, sa pamamagitan ng mga payak na kilos ng kabutihang pantao, ang pag-ibig ng Diyos ay kayang magwagi, ay malaya tayong makakakilos.

Kristo Jesus, sa buhay Mo sa mundo, hindi Ka nag-atubiling tuligsain ang kawalan ng katarungan, subalit nagsikap Kang bumuo ng mga tulay sa mga nakatagpo Mo sa Iyong landas. Pag-igtingin Ninyo ang aming pagkauhaw na pagdugtungin ang mga pagkakahiwalay na naghahati sa mga tao at bansa, upang ang katarungan ay mamayani sa lupa.

Anong mga konkretong hakbang ang maaari nating gawin upang magbuo ng mga tulay kung saan walang pagkakahati-hati? Mahirap para sa isang tao ang kumilos sa ganang sarili. Magnilay kasama ang iba; tipunin nang sama-sama ang mga kaisipan; makipag-ugnayan bilang isang pangkat sa mga naroon sa laylayan ng lipunan. Ano ang kahulugan ng pakikinig sa mga taong may opinyong iba kaysa sa atin, ng pag-unawa sa kanilang mga takot, habang nakahawak sa ating mga pagpapahalagang mula sa Ebanghelyo?

 

Naghahanap ng komunidad

Isa sa mga volunteer sa Taizé ang nagsabi sa akin, “Nais kong mamuhay nang naaayon sa aking mga pinapahalagahan at sa mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita. Kapag gumagawa ako ng isang desisyon, tinatanong ko ang aking sarili, katanggap-tanggap ba ito para sa iba, para sa daigdig at para rin sa akin? Nais nating bumuo ng isang mas magandang mundo.”

Komunidad kasama ang isa’t isa, ang sangnilikha, at ang Diyos — pagkatapos ng pagkakabukod-bukod dulot ng pandemya, handa na ba tayong magbuong muli ng isang mundo ng sambayanan*, isang nagmamalasakit na daigdig?* Ang lahat ng bagay ay magkakaugnay; tayong lahat ay kabilang sa isa’t isa sa ating tahanang pangtanan, ang sangnilikha na iniregalo sa atin.

Sa Krus, nabuwag ang komunidad ni Jesus. Pinagtaksilan Siya ni Judas. Ipinagkanulo Siya ni Pedro. Halos lahat ng mga kaibigan Niya ay nagsitakbuhan. Lahat ng ginawa ni Jesus upang bumuo ng buhay ng buong pagmamahal na pakikipag-isa, ng pagiging malugod na tumatanggap sa lahat, ay tila ba nagwakas. Tinanggap Niya ang panganib na maging handang ibigay ang Kanyang buhay maging para sa mga tumanggi sa Kanya. Subalit sa napakadilim na sandali, naisilang muli ang komunidad sa paanan ng Krus.*

Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, apat na mga babae at isang lalaki ang nanatili sa tabi ni Jesus hanggang sa wakas. Walang sali-salita, sila ay naroon. Sila ay naging mga saksi sa pakikipag-isa na patuloy na nililikha ni Jesus kahit na para bang wala nang pwedeng mangyari.

Sinisira ng pagsasalungat at pag-ayaw ang pakikipag-isa ng mga tao. Sa Krus, kinukuha ni Jesus ang pagsalungat at pag-ayaw sa Kanyang sarili, at binubuong muli ang pakikipag-isa kahit na sa sandali ng pinakamasidhing pagdurusa*.

Sa Krus, ibinibigay ni Jesus ang Kanyang minamahal na alagad sa Kanyang ina bilang isa pang anak, at siya, na kumakatawan sa lahat ng mga magiging alagad na minamahal ni Jesus, ay tumatanggap kay Maria sa kanyang tahanan. Isang bagong pamilya ang isinilang: ang sambayanan ng mga naniniwala kay Jesus, ang Simbahan — isinilang hindi sa pantaong paraan mula sa tagumpay at pagwawagi, ngunit mula sa isang pag-ibig na mas dakila kaysa piping katahimikan ng paghihirap. Sino ang maaaring maisantabi sa gayong pakikipag-isa?*

Sa Simbahan, tayo ay tinatawag na tumindig kasama yaong mga naghihirap, yaong mga biktima ng kawalan ng katarungan.* Tayong lahat ay mga tao, tinatawag na tanggapin ang isa’t isa sa katuwiran at katapatan, kung saan ang kalayaan at integridad ng bawat tao ay iginagalang.

Natapos ni Jesus ang Kanyang gawain nang Siya ay mamatay sa bisperas ng Sabbat, ang ikapitong araw ng linggo,* tulad ng paanong natapos ng Diyos ang gawain ng paglikha sa ikapitong araw, nang makita niya ang lahat na “napakabuti”*. Ang handog na ginawa ni Jesus sa Kanyang buhay sa Krus ay ang simula ng isang bagong sangnilikha. Namatay Siya sa isang marahas na kamatayan — subalit dumaloy ang “mga batis ng tubig na buhay”* mula sa Kanyang katawan*, tubig na walang iba kundi ang Espiritu Santo na binabago ang mukha ng mundo.

Ang katawan ni Jesus ay inilagay sa isang bagong libingan sa isang hardin, ang hardin na siyang dapat maging ang ating mundo*. At sa katahimikan ng ikapitong araw na sumunod, ang sugatang sangnilikha, kung saan tayo kabilang at siyang ipinagkatiwala sa ating pangangalaga, ay nag-uumpisa sa kanyang palihim na pagbabagong-anyo.

Kristo Jesus, ibinigay Mo ang iyong buhay para sa bawat tao, at ipinapakita Mo sa amin gaano kalawak ang naisin Mo upang ibigay ang Iyong sarili sa amin. Tumindig nawa kami sa paanan ng Iyong Krus kasama ang Iyong inang Maria at ang Iyong minamahal na alagad, at tanggapin kung ano ang sasabihin Mo sa amin.

Kanino tayo hinihiling na sumamang tumindig? Paano natin dinaranas ang pagiging komunidad? Maaaring manirahan nang sama-sama sa isang bahay ang mga estudyante, nagdarasal at nagsasalu-salo, lalo na para sa mga estudyante na nasa ibang bansa; ang iba ay maaaring magkita-kita sa bahay ng isa sa kanila. Ang mga nakakaramdam na sila ay nasa labas, malugod silang tanggapin, at sa ganito ay madaig ang nararamdamang kawalan ng katarungan sa isang simpleng paraan.

 

Naghahanap ng kapayapaan

Inaasam natin ang kapayapaan — sa kalooban at sa mundong ito na mahal na mahal ng Diyos. “Simulan ang gawain ng kapayapaan sa iyong kalooban, nang sa gayon, kapag payapa ka na, makapagdadala ka ng kapayapaan sa iba.”* sabi ng isang mananampalataya noong ika-apat na siglo.

Nang tinagpo ni Jesus si Maria Magdalena sa hardin noong umaga ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, tinanong Niya ito, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”* Naging tuwa ang kanyang pagtangis nang malaman niyang ang kanyang hinahangad ay hindi nagapi ng kamatayan. At pagkatapos isinugo siya ni Jesus upang ibahagi sa iba pa Niyang kaibigan ang kanyang nakita at narinig.

Hindi tumagal, nang tinagpo sila ni Jesus at sila ay puno pa rin ng pangamba, ang mga una Niyang salita ay “Sumainyo ang kapayapaan!”* Pinasok Niya ang kanilang takot, at ibinukas Niya sila sa kapayapaan ng Kanyang presensiya. Hiningahan Niya sila ng Espiritu Santo, at binigyan sila ng tungkulin na ipagpatuloy ang Kanyang gawain ng pakikipagkasundo.

Ang kapayapaang ipinangako ni Jesus sa kanila bago Siya namatay, isang “kapayapaang hindi maibibigay ng mundo”*, ay higit pa sa kawalan ng pakikipagsagupaan. Kalakip ng salitang biblikal na “shalom” ang diwa ng pagpapanumbalik at pagkakabuo. Ito ang kapayapaan ng Diyos na ipinagkatiwala sa atin upang atin itong alagaan at palaguin.

Tuwing tinutulungan natin ang iba na matuklasan ang kalayaan at kapayapaang inihahain sa kanila, tuwing ginagawa natin ang ating makakaya upang basagin ang mga sumasalungat na balakid o ang mga pader na nagkukulong sa kanila, sa ganoong paraan ay nakikibahagi tayo sa mismong buhay ng Diyos. At tuwing pinagmamasdan natin ang sangnilikha nang may pagkamangha at pagpapasalamat at pinapakitaan natin ito ng pangangalaga, hindi ba’t lumalakad tayo sa parehong landas?

Tayong lahat ay may pangangailangan na hayaan ang ating mga sarili na puspusin ng kapayapaang ipinangako ng Kristong Muling Nabuhay sa bawat isa sa atin. Sa ganitong paraan ay kaya nating maglakbay nang sama-sama at samahan ang isa’t isa, naghahasik ng pag-asa* sa bawat hakbang. Kahit sa pinakasimpleng kilos, nanaisin ba nating maging mga tanda ng pakikipagkasundo, mga manlalakbay ng kapayapaan, sa kanya-kanya nating sariling paraan, saanman tayo inilagay ng Diyos?

Pakinggan ang mga tinig ng mga nagdurusa mula sa mga nakamamatay na hidwaan o mula sa karahasang kailangan nating harapin sa ating mga lipunan. Isang paraan para gawin ito ay sa pagpapanatili ng pakikitungo sa mga taong naninirahan sa mga lugar ng digmaan. Tulungan yaong mga nagsisikap para sa katarungan sa mga bansang may mapaniil na rehimen o may gobyernong nagsusulong ng digmaan. Handa ba ang ilan sa mga taong ito na magbahagi ng kanilang patotoo? Maghanda ng isang bihilyang panalangin para sa kapayapaan at ibahagi ang ilan sa mga patotoong ito. Pakinggan kung ano ang sinasabi ng Espiritu Santo sa atin ngayon.

Pagpalain kami, Diyos ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, laging gabayan ang aming mga hakbang habang naglalakad kami kasama ang Kristong Muling Nabuhay. Hangarin nawa naming maging mga manlalakbay ng pag-asa, mga manlalakbay ng kapayapaan.

Coroczne przesłania

Opublikowane Peb 25, 2026